La Chanson d’ Hélène [O… Isang Pagninilay-nilay sa Katayuan ng Wikang Filipino Ngayon: (Isang Pahabol na Sanaysay Para sa Buwan Ng Wika)]

Isang madaling araw habang lahat ng tao sa bahay ay mahimbing nang natutulog, gising na gising pa ako at masayang nagda-download ng mga kung anu-ano mula sa Internet – karamihan, mga kanta at videos ng isang bandang kinahuhumalingan ko nang husto – ang Phoenix.  Galing silang Versailles, sa France at naturalmente, French ang lengguahe nila.  Sa website nila, may nilagay silang kanta sa ilalim ng kategoryang, “Songs That Make Me Cry” at ang pamagat nga, “La Chanson d’ Hélène” (o “Ang Awit ni Helene”).  Galing siya sa soundtrack ng isang pelikulang Pranses noong 1970s, ang “Les Choses de La Vie” (o “Facts of Life”).

Umalingawngaw sa sala kung saan naroroon ako sa mga panahong iyon ang kalungkutan ng kanta.  Alas tres y media ng madaling araw at ito ang pinapakinggan ko!

Ipinagpatuloy ko ang pakikinig at naghintay na baka maluha rin.  Hindi eh.  Hindi epektibo.  Malungkot ang tunog niya.  Ok siyang pakinggan habang umuulan at iniisip mo yung mga kasawian mo sa buhay! Pero dahil ‘di ko naman naiintindihan yung mga salita, hindi niya ako lubusang naapektuhan.

Napaisip tuloy ako tungkol sa ilang bagay habang nakikinig sa “La Chanson…”  tulad ng:

a)            mga kanta na puedeng makapagpaiyak sa akin;

b)            kanta na posibleng makakapagpaiyak sa akin sa Filipino;

c)            bakit nakakatawang pakinggan ang French;

d)            bakit may ilang mga tao na sa palagay ko ay magagandahan sa kantang ‘to dahil lang sa rason na French siya;

e)            bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng mga French sa kanilang wika;

f)             bakit ang mga Pilipino hindi ganun

Natuon na aking isip sa mga bagay na may kinalaman sa wika, partikular na siempre sa French at Filipino:

a)            Bakit ang yabang ng mga Pranses pagdating sa wika nila?

b)            Bakit obsessed naman ang mga Pilipino sa English?

Matagal ko nang alam na sobrang mataas ang tingin ng mga Pranses sa wika nila.  May ilan pa nga akong narinig na mga kwento ng mga taong nagpunta na sa France na kapag turista ka raw doon at English ang ginamit mo, ‘di ka nila papansinin at tatarayan ka lang.  Parang sa kanila kasi, mababa ang English at kahit turista ka sa France, gusto nila, alamin mo yung salita nila.  Magkaroon ka ng effort na alamin mo yung wika at hindi sila ang magpapagod na umintindi sa’yo.

Pero kung turista ka, ganun ang trato nila sa’yo, mapapaisip ka tuloy kung paano pa kaya kung sarili nilang kababayan ang hindi nagsasalita sa French.  Ang sagot: mas malala.

Yung Phoenix, matagal na silang banda eh, mga 10 taon na, pero simula’t sapul, lahat ng albums nila, English ang gamit nila.  Sa isang interview, nalaman ko na nagkaroon ng panahon na hindi sila tanggap sa France.  Ayaw patugtugin ng mga radio stations yung mga kanta nila at ang turing sa kanila, mga traydor!  Kaya ngayon, mas sikat sila sa ibang bansa kaysa mismo sa sarili nilang pinanggalingan.

Grabe no?  Ibang level ‘yun!  Biruin mo, tawagin kang traydor ng sarili mong mga kababayan, dahil lang hindi ka gumagawa ng mga kanta sa sarili mong wika!  Pero sa isa pang interview na nakita ko, sabi nila, ngayon daw, unti-unti, naiintindihan na sila ng ilang tao sa France.  Na paraan lang naman iyon nung banda “to transmit Frenchness” 1 sa ibang lengguahe.

Kumpara mo naman ‘yun sa mga Pilipino ‘di ba?  Dito, walang magsasabing traydor ka ‘pag nag English ka, kasi gobyerno mo mismo, sinusuportahan yung ganitong klaseng “kataksilan.”  Dito sa Pilipinas, sandamakmak ang call centers, English tutorial centers, IELTS/TOEFL testing centers, atbp.  Sa Pilipinas, ‘pag ‘di ka marunong mag English, turing na rin sa’yo parang wala kang pinag-aralan.  Sobrang taliwas ‘di ba?  Oo, marunong ka ngang mag English, pero ano bang kalidad ng kalagayan ng mga mamamayan ngayon?  Maunlad ba tulad ng mga bansang Asyano na ‘di bihasa sa English gaya ng Korea at Japan?  Oo, marunong ngang mag English pero (ayon na rin sa isang guro sa kolehiyo na kilala ko), karamihan naman sa mga estudyante ngayon (sikat na ‘tong paaralan na ito ha) hindi man lang marunong ng basic research methods.  Oo, marunong mag English pero pagsalitain mo ng tuwid at pormal na Filipino, mabubulol.

‘Di ako nagmamalinis.  Ako mismo, minsan may mga pagkakataon na mas madaling makaintindi ng English kaysa sa Filipino (lalo na ‘pag sa mga malalalim ng tula at mga mabibigat na na mga libro).  Heck, ‘di ko nga maiisa-isa yung mga “parts of speech” sa Filipino.  Pero masisisi mo rin ba ako eh, kung sa simula pa lang nang pumasok ako sa eskwela, “one, two, three, four, five, six” at “ABCs” na ang tinuro sa akin at pagbabayarin pa ako ng piso sa bawat salitang Filipino na masabi ko sa klase?  Tapos, paglabas ko ng klase, nariyan ang katakot-takot na impluwensiya ng mga pelikula, libro’t babasahin, mga kanta – lahat sa wikang Ingles.  Hanggang kolehiyo, 95% ng ginamit kong libro, Ingles.  Nung nakatapos, nag- apply ng trabaho, ang resume at cover letter ko, Ingles.  Interview sa akin, Ingles.  At
syempre ‘pagdating sa mismong trabaho, Ingles pa rin.

‘Di ko naman sinasabing mali na matuto ng ibang wika.  Sa totoo nga, masaya yun eh tsaka maganda rin namang may alam kang ibang lengguahe bukod sa sarili mong ginagamit.  Ako mismo, gusto ko pang palawakin yung kaalaman ko ng iba pang lengguahe bukod sa mga alam ko na.  ‘Pag naglakbay ka, sobrang makakatulong sa’yo yun!  Kahit basic lang yung alam mo,
makaka-survive ka.

Kapag nag-aral ka ng bagong wika, kasabay ng pag-aaral mo nito ay ang pag-aaral mo sa kultura ng bansang pinanggalingan nung wikang iyon.  Ang wika ay bahagi ng kultura at kapag tinanggap mo ito, gusto mo man o hindi, matututo ka ng kulturang iyon – pananamit, pag-iisip, pop culture, etc.  Yun nga lang ang problema sa mga Pilipino, kasabay ng pagtuturo sa atin kasi ng bagong wika ay ang pagtuturing nitong mas mataas sa sariling salita.  Ito’y tiningala at ginawang pamamaraan ng pang-kontrol.  Sa kabilang banda, kinalimutan hasain ang sariling dila at inilagay sa isang mas mababang pwesto.

Ang pagpapalaganap ng Ingles ay isang tahimik at bagong paraan ng pananakop.

(Kaya sa tingin ko ang totoong kapangyarihan ng Amerika at iba pang mga Kanluraning bansa ay hindi nakasalalay sa ekonomiya at militar, bagkus kundi sa dalawang “E” – “education and entertainment.”  Pero sa pang ibang topic na ng sanaysay iyon, hindi dito.  Naisipan ko lang siyang isingit ngayon.)

Bumalik tayo sa wika…

Meron pa akong ilang obserbasyon pagdating sa mga Filipino eh:

1)  Natutuwa yung ibang tao ‘pag yung nagsalita ng English may accent ng British, Scottish, Irish, Australian, at yung iba sa French (puera ako kasi medyo natatawa ako sa French accent eh. Hehe) pero ‘pag yung mga may púnto katulad ng mga Bisaya, natatawa tayo;

2)  Idamay mo na rin yung “Filipino intonation”… Parang lagi dapat North American accent o at least neutral accent ang matutunan natin.  Ok, fine, kailangan ng ganun lalo na ‘pag sa call center ka nagta-trabaho, pero nakarinig ka na ba ng mga Indian na agents? Parang wala silang konspeto ng neutral accents!  Napakarami sa kanila, may Indian accent at intonation pa rin, pero India pa rin ang nangunguna pagdating sa call center industry.

3)  Oo, nakakatulong sa turismo na marunong mag English ang mga Pilipino pero sa tingin ko, kahit hindi marunong mag English, pupuntahan pa rin naman tayo ng mga turista eh.  Gawin lang ang mga ito:

a.            panatilihing nasa mahusay na kondisyon ang mga karagatan at iba pang natural resources natin.  Boom ang eco-tourism!

b.            pahalagahan ang mga historical sites!  Dito kasi sa Pilipinas, madalas na napapabayaan ang mga historical sites.  Mababalitaan mo na lang, gigibain ito, o nasira na nang husto yung ganyan kasi kulang sa maintenance.  Pumunta ka lang ng Maynila, ang daming Art Deco na mga buildings na nakalimutan na ng panahon.  Nanggigitata.  Nanlulumahid.  Kawawa.

Kasi kung tutuusin, hindi ma English ang France, pati nga China, pero marami pa naman dumadagsa sa kanila.  Sa Spain, kunwari, bihira rin ang English – mga street signs, mga tindahan, pati sa Metro, Spanish ang gamit.  Pero kung makahakot sila ng turista, ganun na lang.  Eh dito, street signs at MRT natin, sa English eh.  Oo, meron ngang Filipino na voice over na nagsasabi kung anong station ka na o nagsasabing “maari lamang huwag sumandal sa pinto habang umaandar ang tren”, pero pansinin mo, nauna pa yung English translation nito kaysa sa Filipino.

Hindi masamang gumamit ng Ingles! Medyo OA naman kung magiging ala Freddie Aguilar ang reaksyon mo pagdating sa paggamit ng Ingles. Napanood ko kasi siya minsan sa isang interview, tinawag niyang mga “unggoy” at “gaya-gaya” yung ilang Filipino musicians na nasa international scene ngayon tulad nila Arnel Pineda, Charice Pempengco, etc kasi hindi raw makabayan ang estilo ng mga kanta at puro ata English ang gamit.  Masyadong Kanluranin daw.  Sa ganung paraan lang ba masusukat ang nasyonalismo ng isang tao?  Eh ‘di ang mga tipo lang nina Bayang Barrios, Pinikpikan (alam ko iba na pangalan nila ngayon… ‘di ko lang matandaan kung ano) o Joey Ayala ang puede niyang tawagin na tunay na mga Filipino musicians?  Eh paano ang The Jerks, may saysay at patungkol karaniwan sa lipunan ang mga kanta, pero gumagamit din ng Ingles minsan?  Masyado naman atang makitid na pagtingin iyon, ‘di ba?

Ulit, ang paggamit ng wikang Ingles ay hindi makakapatay sa nasyonalismo ng isang tao.  Para sa akin, isa lamang itong pamamaraan upang ipahayag ang mga saloobin ng isang tao sa ibang paraan. ‘Yun nga lang, kung mas pinapaboran na ito kaysa sa sariling salita, kung mas nauunang matututong magsalita ang mga bata sa Ingles kaysa sa Filipino, eh medyo iba na ‘yun.

May narinig ako minsan na panayam sa radyo ng isang OPM band eh – yung Chilittees.  Yung una at pangalawang albums kasi nila, lahat Filipino.  Tapos, may nagtanong sa kanila kung bakit lahat ng kanta nila Filipino.  Ang sagot nila maiksi at makabuluhan:

“Eh bakit naman hindi?”

Oo nga naman!!!

Bilang pagtatapos, ito lang ang masasabi ko:  sa huli, Filipino tayo at tama lang na pangalagaan, respetuhin, at ipagmalaki ang ating wika.  Ito ay isang tulay kung saan ang tunay na mga saloobin natin bilang isang nasyon ay dadaloy.  Huwag naman natin sanang pahintulutin na ito’y maglaho sa sarili nating mga labi.  Ito ay boses.  Ito ay titik.  At kahit pang sabihin ng ilang Filipino na hindi naman ito kumakatawan sa buong bayan (dahil ito ay masyadong Luzon-centric), hindi pa rin maikakaila na ito ay bahagi ng ating kalinangan at identidad.

PS.

May nagtanong sa akin ngayon lang, kung anong kinalaman ng Chanson d’ Helene sa sanaysay na ito at bakit yun yung ginawa kong pamagat.  Wala!  Wala siyang kinalaman dito.  Siya lang yung naging daan kung bakit naisip kong sulatin ‘tong 4 na pahinang sanaysay na ito!  At tungkol sa title — para lang maiba.

Atsaka aminin mo, kung nakita mong tungkol sa Filipino ito, sisilipin mo ba?

______________________________

1 galing mismo sa panayam ng Phoenix sa Bonnaroo Music and
Arts Festival, Hunyo 2009

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s