Tagubilin at Habilin

A man without fear — Ito ang nakasulat sa pinto ng isang kotseng nakita kong nakaparada sa kahabaan ng Commonwealth noong nakaraang linggo.  Sa tabi ng mga salita nakaguhit ang larawan ng pangunahing tauhan sa palabas na Daredevil.  Pagkabasa ko rito, bigla ko tuloy narinig ang tinig ng isang babaeng nagsasabing,

Ang tunay na matapang ay lumalaban kahit natatakot.  

Buhat ang linya sa Tagubilin at Habilin, isang tula ng manunula at manunulat na si Jose F. Lacaba na binigyang buhay bilang kanta sa estilo ng spoken word ng artista, mang-aawit, at tagapagsulong ng sining Filipino na si Armida Siguion-Reyna (na sumakabilang buhay na ilang araw lamang ang nakakaraan.)  Ang banayad na piano naman na maririnig ay ambag ni Ryan Cayabyab.

Nalaman ko ito, kung tama ang aking pagkakatanda, habang nakikinig sa programa sa radyo ni Ted Failon at Korina Sanchez sa DZMM maraming taon na ang nakalipas.  Noong una ko itong narinig, naihalintulad ko ito kagad sa Everybody’s Free (To Wear Sunscreen) ni Baz Luhrmann.  Parehong pasalita at nagbibigay rin ng payo ang mga linya.  May pagkakahawig man ang estilo ng dalawa, para sa akin ay mas mabigat ang tono ng kay Lacaba.

Madaling tumatak sa akin yung mga salita ng tula at hanggang ngayon nga ay naalala ko pa rin ang ibang parte nito.  Heto ang tula sa kanyang kabuuan.  Sana’y maging makabuluhan din sa inyo ang mga payo rito.
* * *

Tagubilin at Habilin

Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una’t huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!

Sa edad kong ito, marami akong maibibigay na payo.
Mayaman ako sa payo.

Maghugas ka ng kamay bago kumain.
Maghugas ka ng kamay pagkatapos kumain.
Pero huwag kang maghuhgas ng kamay para lang makaiwas sa sisi.
Huwag kang maghuhugas ng kamay kung may inaapi
Na kaya mong tulungan.

Paupuin sa bus ang matatanda at ang mga may kalong na sanggol.
Magpasalamat sa nagmamagandang-loob.
Matuto sa karanasan ng matatanda
Pero huwag magpatali sa kaisipang makaluma.

Huwag piliting matulog kung ayaw kang dalawin ng antok.
Huwag pag-aksayahan ng panahon ang walang utang na loob.
Huwag makipagtalo sa bobo at baka ka mapagkamalang bobo.
Huwag bubulong-bulong sa mga panahong kailangan sumigaw.
Huwag kang manalig sa bulung-bulungan.
Huwag kang papatay-patay sa ilalim ng pabitiin.
Huwag kang tutulog-tulog sa pansitan.

Umawit ka kung nag-iisa sa banyo.
Umawit ka sa piling ng barkada.
Umawit ka kung nalulungkot.
Umawit ka kung masaya.

Ingat lang.

Huwag kang aawit ng “My Way” sa videoke bar at baka mabaril.
Huwag kang magsindi ng sigarilyo sa gasolinahan.
Dahan-dahn sa matarik na landas.
Dahan-dahan sa malulubak na daan.

Higit sa lahat, inuulit ko:

Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una’t huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!

Maraming bagay sa mundo na nakakadismaya.
Mabuhay ka.
Maraming problema ang mundo na wala na yatang lunas.
Mabuhay ka.

Sa hirap ng panahon, sa harap ng kabiguan.
Kung minsan ay gusto mo nang mamatay.
Gusto mong maglaslas ng pulso kung sawi sa pag-ibig.
Gusto mong uminom ng lason kung wala ka nang makain.
Gusto mong magbigti kung napakabigat ng mga pasanin.
Gusto mong pasabugin ang bungo mo kung maraming gumugulo sa utak.

Huwag kang patatalo. Huwag kang susuko.

Narinig mo ang sinasabi ng awitin:
“Gising at magbangon sa pagkagupiling,
Sa pagkakatulog na lubhang mahimbing.”
Gumising ka kung hinaharana ka ng pag-ibig.
Bumangon ka kung nananawagan ang kapuspalad.

Ang sabi ng iba: “Ang matapang ay walang-takot lumaban.”
Ang sabi ko naman: Ang tunay na matapang ay lumalaban
Kahit natatakot.

Lumaban ka kung inginungodngod ang nguso mo sa putik.
Bumalikwas ka kung tinatapak-tapakan ka.
Buong-tapang mong ipaglaban ang iyong mga prinsipyo
Kahit hindi ka sigurado na agad-agad kang mananalo.

Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una’t huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!

-Jose F. Lacaba

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s